Cauayan City, Isabela- Matagumpay na naipamahagi ngayong araw ng 98.5 iFM Cauayan katuwang ang Bank of the Philippine Islands (BPI), DepED at Ayala Foundation ang 200 na piraso ng radyo sa bayan ng Buguey at Lal-lo sa probinsya ng Cagayan.
Ito ay bilang suporta sa One Radio Campaign ng RMN Foundation Inc. ngayong taon.
Unang ipinamahagi kaninang alas 8:00 ng umaga ang 100 piraso ng radyo sa Bagumbayan Central School, Lal-lo Central District sa bayan ng Lal-lo, Cagayan.
Sumunod na ibinigay ang 100 radio sets sa bayan ng Buguey partikular sa Buguey North Central School, Buguey North District.
Ayon kay Ms. Bernalyn Paguirigan, Senior Manager ng BPI Cagayan Valley, layon ng kanilang pamamahagi ng libreng radyo sa dalawang bayan na makatulong sa mga residente sa lugar na makasagap ng mga impormasyon at balita kaugnay sa mga kasalukuyang nangyayari.
Una nang nagsagawa ng relief operation ang BPI sa mga lugar na apektado ng pagbaha sa Isabela at Cagayan na dulot ng nagdaang typhoon Ulysses.
Dagdag pa ni Ms. Paguirigan na mayroon pang natira sa kanilang nalikom na pondo at ito ay gagamitin sa pagpapatayo ng bahay ng mga pamilyang tutulungan sa Baggao, Cagayan.
Ang One Radio Campaign ng RMN Foundation sa bansa ay layong mabigyan ang maraming Pilipino ng sapat na balita at impormasyon sa pamamagitan ng mga ipinamahaging radyo.