200 Prangkisa, Saan Napunta?

Cauayan City, Isabela – Hiniling ni SP Member Salcedo Foronda kahapon, Pebrero 5, 2018, na aprubahan ng konseho ang 149 pending franchise applications para sa mga pampasadang traysikel dito sa lungsod ng Cauayan.

Bago tuluyang maipasa ang nasabing resolusyon, nagkaroon ng pagtatanong ang ilang konsehal tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng pagbibigay ng prangkisa sa mga nais makapagpasada.

Ayon sa ilang konsehal, marami umano ang nagtatanong kung mayroon o napunan na nga ba ang mga karagadagang prangkisa na dati ng naipasa.


Pahayag ni SP member Bagnos Maximo Sr., lumalabas sa ipiniresentang report na puro renewals at re-issues at wala pa umanong mga bagong prangkisa ang naibibigay mula sa dalawandaan na huli nilang inaprubahan.

Sinang ayunan naman ni councilor Rene Uy ang pahayag na ito, at ayon sa kanya, kailangan ng accurate report at katibayan kung saan napunta ang 200 tricycle franchise na kanilang ipinasa kamakailan upang masigurong walang reservations na nagaganap sa pagbibigay ng nasabing prangkisa.

Hiniling din ni city councilor Garry Galutera na magsumite ang Business Permits and Licensing Office (BPLO) ng aktwal na status ng mga renewals at re-issues upang malaman kung ilan ang kinakailangan pang aprubahan ngayong taon.

Nakatakda namang ipatawag ng komite sa susunod na sesyon sa Pebrero 9, 2018, si Atty. Sherwin de Luna, head ng BPLO, upang linawin ang tungkol sa nasabing pagbibigay ng prangkisa.

Facebook Comments