Cauayan City, Isabela- Personal na ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan sa 5th Infantry Division ang donasyong 2,000 sako ng semento.
Malugod naman itong tinanggap ni Col. Rowel Quigao, Logistics Officer ng 5ID na kumatawan sa kanilang Commanding General na si MGen. Laurence Mina na isinabay sa regular flag raising ceremony ng Kapitolyo ngayong araw ng Lunes, Nobyembre 15, 2021.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Major Jeckyll Dulawan, Division Public Affairs Office (DPAO) Chief ng 5ID, ang natanggap na donasyon ay gagamitin ng kanilang pamunuan para sa pagsasaayos ng kanilang kampo na nakabase sa Upi, Gamu, Isabela.
Partikular na dito ang pagsesemento ng kanilang kalsada, pagsasaayos ng kanilang firing range at pagtatayo ng kanilang bagong simbahan.
Ayon naman sa mensahe ni Governor Manuel Mamba, ang kanilang ipinamahaging semento ay bilang pasasalamat at sukli nila sa insurgency effort ng 5ID sa buong Lalawigan ng Cagayan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng 5ID ang dalawang libong sako ng semento at anumang araw ay gagamitin na ang mga ito sa mga nasabing proyekto ng Kampo.