2,000 Punla ng Punong Kahoy at Bamboo Propagules, Itinanim sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Umabot sa 2,000 na punla ng punong kahoy at bamboo propagules ang itinanim sa iba’t-ibang bahagi sa lalawigan ng Cagayan bilang pagdiriwang ng unang anibersaryo ng “I Love Cagayan River Movement” ngayong unang araw ng Pebrero 2022.

Binigyan ito ng temang “Care for Nature, Save our Future” kung saan nasa dalawang libong punla ng narra at bamboo propagules ang itinanim sa Nassipping, Gattaran Reforestation; Mambacag, Tuao; Piggatan, Alcala; at sa Zitanga, Ballesteros.

Magsasagawa rin ng malawakang tree planting activity sa mga nabanggit na sites ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan sa darating na Pebrero-11, 18 at 25 at isasagawa rin sa Pebrero-25 ang cycling event.

Magtatagal ng isang buwan ang selebrasyon ng unang anibersaryo ng ” Love Cagayan River Movement” kung saan marami at magkakaibang aktibidad ang gaganapin sa iba’t ibang bahagi ng probinsya.

Ayon naman kay Chief of Staff Atty. Ma. Rosario Mamba-Villaflor, layunin ng “I Love Cagayan River Movement” na maproprotektahan ang kalikasan ng Cagayan maging ang kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Samantala, isinabay rin sa nasabing aktibidad ang pamamahagi ng Kapitolyo ng plant nursery materials and inputs sa 501st Infantry Brigade, 77th at 17th Infantry Battalion, at sa MBLT-10 upang makatulong sila sa pagpaparami ng punla na gagamitin sa naturang proyekto.

Facebook Comments