Manila, Philippines – Binigyan ng Korte Suprema ng sampung araw ang Commission on Elections (COMELEC) para magpaliwanag sa 25-percent shading scheme na inihihirit ni Vice President Maria Leonor Robredo sa pagbibilang sa balota sa isinasagawang manual recount.
Ang utos ng Korte Suprema ay may kaugnayan pa rin sa poll protest ni dating Senador Bongbong Marcos.
Hiwalay ang direktiba ng Korte Suprema sa kanilang utos sa Office of the Solicitor General (OSG) na magpaliwanag din sa naturang isyu.
Samantala, ibinasura naman ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang hirit ni Marcos na imbestigahan ang “outing” ng PET head revisors at revisor ni Robredo sa Pansol,Calamba City, Laguna.
Ayon sa PET, bago ang paghahain ng kampo ni Marcos ng manifestation sa PET ay nagsasagawa na sila ng imbestigasyon sa naturang outing.