Manila, Philippines – Pinagkukumento ng Presidential Electoral Tribunal (PET) si dating Senador Bongbong Marcos sa apela ni Vice President Leni Robredo na kumukwestiyon sa pagbasura ng PET sa kanyang hiling na bilangin bilang lehitimong boto ang 25-percent threshold na shading sa balota.
Sa en banc session ng Korte Suprema, binigyan ng mga mahistrado na umuupong myembro ng PET, ang kampo ni Marcos ng sampung araw para mag-sumite ng kumento.
Ang motion for reconsideration ni Robredo ay may kinalaman pa rin sa electoral protest ni Marcos sa 2016 vice presidential race.
Iginiit ni Robredo sa kanyang apela na inalis ng Commission on Elections (COMELEC) ang 50-percent threshold o kalahating shade sa balota para ikonsiderang lehitimong boto base sa inisyu nitong Resolution Number 9164.
Aniya, ang 25-percent threshold ay ginamit na rin ng COMELEC noong May 2016 National and Local Elections.