*Cauayan City, Isabela- *Nananawagan ngayon ang 5th Infantry Division Philippine Army sa lahat ng mga interesadong maging sundalo na mag-apply para sa gagawing Armed Forces of the Philippines Service Aptitude Test o (AFPSAT) ngayong Septyembre 13 at 14 taong kasalukuyan.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Army Captain Jefferson Somera, ang pinuno ng Division Public Affairs Officer ng 5th Infantry Division, pwede umanong mag-exam ang lahat ng mga nakapagtapos ng K12 na nasa edad labingwalo pataas, mga nagtapos ng ROTC, mga Degree holder o mga Vocational Graduate.
Lahat ng makakapasa ay pwedeng mag-apply sa kahit anong branch ng Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Airforce sa bansa.
Magdala lamang umano ng NSO, Diploma, Form 137 sa mga High school graduate, Certificate para sa mga Vocational Graduate, Transcript Of Record para sa mga College Graduate, dalawang 2×2 picture, valid ID o school ID, Police Clearance o NBI Clearance, 2 lapis, 1 ballpen at folder.
Nilinaw rin ni Army Capt. Somera na kahit nasa 5 flat na ang height sa babae at lalaki ay pwede na umanong mag-exam ng AFPSAT.
Mas mainam rin umano na agahang magtungo sa kanilang himpilan sa Upi, Gamu, Isabela upang matapos agad ang eksaminasyon.