Manila, Philippines – Aminado ngayon ang Commission on Election o Comelec na hindi pa tamang oras para magdeklera ng election hotspot kaugnay sa darating na 2019 midterm elections.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, tinututukan pa lamang nila ay ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) kung saan hinihintay din nila ang updated report ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa mga lugar na maaaring ideklerang election hotspot.
Base naman sa initial evaluation ng Comelec, posibleng ang mga lugar na areas of concern noong nakaraang halalan din ang maidedeklerang election hotspot pero kanila pa itong pag-aaralan.
Una nang sinabi ng PNP na sinisimulan na nilang ilista ang mga posibleng election hotspot para sa eleksyon sa susunod na taon bilang bahagi ng kanilang maagang security preparation.
Samantala, kaunti lamang ang naghain ng kanilang COC kahapon sa Comelec main office sa Intramuros, Maynila.
Hindi tulad noong Huwebes na nasa 27 ang naghain ng kandidatura sa pagkasenador, aabot lamang sa 10 ang naghain ng COC kahapon.
Dahil dito ay nasa 37 na ang senatorial bets para sa 2019 elections.
Para naman sa mga partylist candidates, mula sa 18 noong Huwebes, 12 grupo lamang kahapon ang naghain ng kanilang certificates of nomination and certificates of acceptance.