Manila, Philippines – Muli namang nagpaalala si Pangulong Duterte sa mga sundalo at pulis na huwag makikisali sa partisan politics sa darating na midterm polls sa May 2019 elections.
Sa speech ng Pangulo sa event sa Cagayan de Oro, iginiit nito sa AFP at PNP na huwag tatangkaing sumuporta ng mga kandidato dahil magiging kumplikado lamang ito.
Aniya, sa oras na may suportahang pulitiko ang AFP at PNP ay tiyak na magagamit ang resources ng gobyerno.
Sinabi ni Duterte na hayaan na lamang na siya ang sumuporta sa mga napipisil na kandidato dahil siya naman ang presidente at inihalal ng taumbayan.
Sa kabilang banda ay aminado naman si Pangulong Duterte na pagod na rin siya sa pulitika.
Ayon sa Pangulo, ito na ang kanyang huli paglilingkod sa pamahalaan at hindi na niya naiisip na manatili pa dito.
Sa ngayon aniya ay nagbabayad na lamang siya ng utang na loob sa mga taong tumulong at sumuporta sa kanya mula pa noong kampanya.
Sa 2022 ay matatapos na ang termino ni Pangulong Duterte at ang presidency na ang kanyang huling tanggapan na paglilingkuran.