Sisimulan na ng Philippine Columbian Association ang kauna-unahang 2023 Metro Manila Open.
Inaasahang sasalihan ito ng lahat ng tennis club organizations, mga professional at amateur tennis players lalo na’t isa ito sa pinakamalaking tennis tournament sa bansa.
Ayon kay Philippine Columbian Association Chairman Atty. Tranquil salvador, titiyakin nila na lahat ng mga manlalaro sa kauna-unahang 2023 Metro Manila Open ay magiging ligtas lalo na’t ang tournament ay ikakasa matapos ang ilang taon pakikipaglaban sa COVID-19.
Bukod sa kooperasyon sa mga Local Government Unit (LGU), gagawa rin sila ng hakbang para masigurong hindi maapektuhan ng heat stroke ang mga manlalaro kasama na dito ang tamang scheduling sa indoor at outdoor courts.
Giit naman ni Raul Diaz, bise presidente ng Philippine Columbian Association, bukod sa pagdaraos ng mga tennis tournament, sisikapin din nilang maibalik ang dating sigla ng asosasyon sa pamamagitan ng pagho-host ng mga natatanging forum at opinyon mula sa larangan ng pulitika at mayamang kasaysayan ng bansa.
Aniya, ang mga hakbang na kanilang gagawin ay unang isinasagawa ng Philippine Columbian Association kaya ito nakilala sa bansa.
Nabatid na may kabuuang premyong ₱1.8 million ang sinumang mananalo sa naturang tennis tournament.