Iginiit ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman sa Mababang Kapulungan na tanggalan ang panukalang 2023 national budget ng sobra-sobra at hindi kinakailangang confidential at intelligence funds na aabot sa 9.29 bilyong piso na inilagay sa iba’t ibang ahensya at departamento ng gobyerno.
Dismayado si Lagman na mas malaki pa ito kumpara sa alokasyon na ibinigay sa ibang departamento at tanggapan ng pamahalaan tulad sa mga constitutional commissions and offices.
Pangunahing inihalimbawa ni Lagman ang ₱500 million pesos na confidential at intelligence funds sa Office of the Vice President at karagdagang ₱150 milyon naman sa Department of Education (DepEd) na pawang nasa ilalim ng pamamahala ni Vice President Sara Duterte.
Katwiran ni Lagman, walang anuman sa imahinasyon at lohika ang makakapagbigay katwiran sa paglalagay ng confidential at intelligence funds sa OVP at DepEd dahil walang hurisdiksyon ang mga ito sa mga bagay na may kaugnayan sa national security at hindi rin nagsasagawa ng detective activities.
Diin ni Lagman, nababalutan ng misteryo at maaring magamit sa katiwalian ang paggamit ng confidential at intelligence funds dahil ang pag-audit dito ng Commission on Audit (COA) ay hindi maaring ipabatid sa Kongreso gayundin sa publiko.