
Aprubado na ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng 2023 Performance-Based Bonus (PBB) para sa mga kawani ng Department of Education.
Ayon sa DBM, makikinabang dito ang mga kwalipikadong guro at non-teaching personnel ng DepEd matapos makapasa ng kagawaran sa mga itinakdang pamantayan ng Inter-Agency Task Force on the Harmonization of National Government Performance Monitoring, Information, and Reporting Systems, o AO25 Task Force.
Ibig sabihin, ang Teacher I na may sahod na P27,000 ay makatatanggap ng tinatayang P14,040 na bonus para sa taong 2023.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang pag-apruba ng PBB ay patunay ng pagkilala ng pamahalaan sa sipag at dedikasyon ng mga guro sa pagtataguyod ng edukasyon at pag-unlad ng bansa.
Makikipag-ugnayan ang DBM sa DepEd para sa agarang paglalabas ng Special Allotment Release Orders at Notices of Cash Allocation, upang mapabilis ang pamamahagi ng bonus sa mga kwalipikadong kawani.
Samantala, nagpasalamat naman si Education Secretary Sonny Angara sa DBM at sa AO25 Task Force sa pagkilala sa mga guro at kawani ng edukasyon.
Ayon kay Angara, ang mga guro at education personnel ay haligi ng kinabukasan ng bansa, at ang bonus na ito ay simbolo ng pagpapahalaga sa kanilang walang sawang serbisyo.
Ang anunsyong ito ay kasabay ng pagtatapos ng National Teachers’ Month, na nagpapakita ng patuloy na suporta ng andministrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kapakanan ng mga guro.









