
Prayoridad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagbabaon ng mga fiber optic cable para hindi basta-bastang mapuputol ang connectivity tuwing may bagyo o lindol.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DICT Secretary Henry Aguda na direktiba ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang masigurong matatag ang komunikasyon lalo na sa panahon ng kalamidad.
Mahalaga aniya ito para sa mabilis na relief operations at mas madaling pakikipag-ugnayan ng mga Pilipino sa kanilang pamilya.
Ayon kay Aguda, unang tatapusin ng ahensya ang National Fiber Backbone na target makumpleto hanggang Mindanao sa susunod na taon.
Pagkatapos nito, sisimulan ang pagbabaon ng mga “middle mile” cables o ang mga kableng nakasabit sa mga poste at madaling masira kapag tinatamaan ng bagyo o lindol.
Magsisimula ang proyekto sa Region I, bago unti-unting ibabaon ang mga linya mula Norte hanggang Mindanao.
Target ng DICT na maibaon ang fiber optic cables sa malaking bahagi ng Luzon bago matapos ang termino ni Pangulong Marcos sa 2028, na susundan naman ng Visayas at Mindanao.









