2025 national budget, inisponsoran na sa Plenaryo

Inisponsoran na ngayong gabi ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe ang P6.352 trillion na 2025 national budget sa plenaryo.

Ang pambansang pondo sa susunod na taon aniya ay magbibigay prayoridad sa mga social service, kalusugan, edukasyon, trabaho, teknolohiya at infrastructure and human development kung saan marami sa mga proyekto at programa ng mga nabanggit na sektor ang dinagdagan ang pondo.

Sa budget version ng Senado, napagdesisyunan ng Senate Committee on Finance na sundin ang desisyon ng Kamara na tapyasan ng P1.3 billion ang 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP) mula sa orihinal na P2.037 billion.


Ayon kay Poe, maraming beses silang nakipagugnayan sa OVP at hiniling na magsumite ng mga dokumento para linawin ang mga isyu sa kanilang pondo subalit hanggang ngayon ay wala pa ring isinusumite ang tanggapan ni Vice President Sara Duterte.

Hindi naman binawasan ang P35.190 billion na pondo ng Commission on Elections o Comelec kung saan kasama pa rin dito ang BARMM regional elections sa kabila ng inihaing panukalang batas ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ipagpaliban ang BARMM Elections.

Upang hindi na maulit ang mga katulad na kaso ni Alice Guo, sinuportahan ng Senado ang Automated Biometrics Identification System ng Bureau of Immigration na magsusulong ng biometric verification at cross-matching ng mga criminal database para sa mga pasaherong pumapasok at lumalabas sa ating bansa.

Mayroon ding dagdag na pondo para sa Armed Forces of the Philippines o AFP, National Security Council at ang National Intelligence Coordinating Agency at sa Philippine Coast Guard para sa pagpapaigting ng seguridad at pagbili ng mga kinakailangang military equipment para sa pagpapatrolya sa ating karagatan.

Samantala, hindi pa pinal na mapagdesisyunan ni Poe kung tuluyang aalisin na ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at iniapela sa Department of Social Welfare and Development o DSWD na i-justify ang programa sa pagsalang ng ahensya sa plenary debates saka sila magdedesisyon kung tuluyan itong aalisin o pananatilihin sa budget.

Facebook Comments