21.9 milyong halaga ng marijuana, winasak ng PNP at PDEA sa Kalinga

Pinagsusunog ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga halaman ng marijuana na nagkakahalaga ng P21.9 milyon sa Tinglayan, Kalinga.

Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar, ginawa ang pagsira sa mga marijuana mula nitong June 14 hanggang June 16 sa mga Barangay ng Buscalan, Loccong at Butbut Proper.

Sa Barangay Buscalan, aabot sa 5,000 fully-grown na mga halamang marijuana na nagkakahalaga ng P1 million at nakatanim sa 500-square meter na lote ang nadiskubre at winasak.


Nadiskubre rin ang apat na plantasyon ng marijuana sa Barangay Loccong na may total land area na 4,000 square meters na may tinatayang 34,000 halamang marijuana at nagkakahalaga ng P6.8 million.

Mayroon ding kabuuang 57,000 fully-grown marijuana at 65,000 mga binhi nito na nagkakahalaga ng P14.1 million ang natagpuan sa Barangay Butbut Proper.

May lawak na 6,650 square meters ang naturang plantasyon.

Sa kabuuan, abot sa 96,500 fully-grown marijuana at 65,000 binhi nito ang natagpuan at winasak ng PNP at PDEA sa operasyon pero walang naaresto.

Hinikayat naman ni PNP chief ang publiko na i-report sa mga otoridad kung may hawak silang impormasyon kaugnay sa kinaroroonan ng mga plantasyon ng marijuana at kung sino ang mga nasa likod nito.

Ngayong linggo lamang, aabot sa kabuuang P25.8 million halaga ng marijuana ang winasak sa dalawang araw na operasyon sa Tinglayan.

Facebook Comments