Imbis na maka-iskor ng bagong sasakyan, presinto ang bagsak ng isang binata sa China matapos gasgasan ang natipuhang kotse para ipabili sa kanyang tatay.
Nag-iikot-ikot ang hindi pinangalanang 22-anyos sa BMW showroom sa Jiangxi noong Nob. 25 nang maisipan niya ang plano, ayon sa ulat ng AsiaOne.
Tinawagan ng lalaki ang kanyang tatay nang makita ang isang dark blue sedan.
Kapansin-pansin daw na balisa ito habang nakikipag-usap sa telepono, ayon sa isang saksi.
Matapos ang tawag, makikita sa CCTV na kiniskis niya ang harapang pinto ng sasakyan gamit ang hawak na susi.
Ayon sa rumespondeng pulisya, hindi man lang nabahala ang salarin sa ginawa niyang pinsala.
Sinabi umano nito na hindi pa tinutupad ng kanyang tatay ang ipinangako sa kanyang sasakyan matapos pumasa sa driving test at magkaroon ng lisensya.
Ginasgasan niya ang sedan sa pagbabakasaling mapipilitan ang kanyang pamilya na bilhin ito.
Idinetina ng pulisya ang binata na aminado sa kanyang krimen.