22-Anyos na Miyembro ng NPA, Sumuko sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Nagbalik-loob sa pamahalaan ang isang 22-anyos na regular na kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Tapigue, Barangay Ayod, Dinapigue, Isabela.

Sa ibinahaging impormasyon ng 86th Infantry Battalion, ang sumuko ay nakilalang si Alyas ‘Sandy’, miyembro ng Rehiyon Sentro de Grabidad, Komiteng Rehiyon – Cagayan Valley (RSDG, KR-CV) at residente ng Maddela, Quirino.

Si alyas Sandy ay narekrut ni Renato Busania alyas ‘Andong’ noong Oktubre 2020 at sumampa sa kilusan na pinamumunuan ni Rosalio Canubas o alyas Yuni.


Magugunitang parehong nasawi sa magkahiwalay na engkwentro sina Busania at Ka Yuni na pinakamataas na lider ng NPA sa Lambak ng Cagayan.

Nagdesisyon si alyas Sandy na sumuko sa mga otoridad sa bayan ng Dinapigue at tumiwalag sa kilusan dahil sa takot umano na matulad sa sinapit ng kanilang opisyal at iba pang kasamahan na namatay sa labanan.

Ito’y dahil na rin umano sa nararanasang gutom, pagod at hirap niyang kalagayan sa loob ng kilusan.

Nag-udyok din kay Sandy na sumuko na lamang ay dahil sa pagkumbinsi mismo ng kanyang pamilya na magbalik-loob na at magbagong buhay.

Muli namang nananawagan ang pamunuan ng 86th IB sa mga natitira pang rebelde na magbalik-loob na sa gobyerno upang hindi magaya kina Busania at Canubas at mapakinabangan rin ang Enhanced – Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno para sa mga former rebels.

Facebook Comments