Cauayan City, Isabela- Suportado ng dalawang probinsya at 22 bayan sa rehiyon dos ang laban kontra African Swine Fever (ASF) matapos maglabas ng ordinansa na tutulong na maiwasan ang labis na epekto nito sa hog industry.
Ayon kay Dr. Manuel Galang Jr., Veterinarian III at ASF Point Man ng DA Regional Field Office No. 02, labis ang pasasalamat ng ahensya sa suportang ibinibigay ng mga lokal na pamahalaan para labanan ang sakit ng baboy na ASF.
Kinabibilangan ng mga lalawigan ng Isabela at Quirino ang katuwang ng ahensya sa paglaban sa naturang sakit ng baboy.
Bukod dito, ang mga bayan naman ng Peñablanca, Piat, Tuao at Iguig sa Cagayan; Aurora, Ilagan City, San Mariano, San Guillermo, Santiago City, Burgos, Delfin Albano, Reine Mercedes, Alicia, Mallig, Roxas, Gamu at Luna sa Isabela; Bagabag, Bayombong at Solano sa Nueva Vizcaya gayundin ang Cabarroguis at Diffun sa Quirino ang sumusuporta sa pagpapaigting sa kampanya para maibalik ang sigla sa industriya ng pagbababoy.
Ayon pa kay Galang, napakahalaga ang aktibo at mabilis na aksyon mula sa mga lokal na pamahalaan dahil ang kanilang constituents mismo ang naaapektuhan sa ASF.
Ipinunto rito na ang pagpasa ng ordinansa ay nagpapatunay sa hangarin ng lokal na pamahalaan na paigtingin ang laban kontra ASF sa pamamagitan ng pagbuo ng ASF Task Force mula sa probinsiya, munisipyo at barangay.