22 DELTA VARIANT POSITIVE, MAITUTURING NA RECOVERED SA SAKIT AYON SA P.H.O.

Kinumpirma ng Provincial Health Office o PHO na dalawampu’t dalawa (22) mula sa dalawampu’t tatlo (23) na kumpirmadong kaso ng COVID-19 Delta variant sa lalawigan ng Pangasinan ang fully recovered na.

Sinabi ni PHO chief Dra. Anna de Guzman na ang isang pasyente na Delta Variant Positive ay hindi nito nakayanan na kalauna’y nasawi.

Sinabi niya na sa kabuuang kumpirmadong mga kaso ng Delta Variant, dalawa sa mga ito ay mula sa Maynila at Bulacan habang ang 21 iba pang mga kaso ay local transmission.


Dagdag pa nito na ang ilan ay maaaring nakuha ito mula sa pagpasok at labas ng lalawigan dahil sila ay mga Authorized Person Outside Residence (APOR) o maaaring nagkaroon sila ng pakikipag-ugnayan sa mga bisita mula sa labas ng lalawigan.

Mababatid na una namang naitala ang Delta Variant sa bayan ng Natividad na isang returning OFWs habang nakapagtala rin ang ilang bayan tulad ng Bayambang, San Manuel habang ang lungsod ng Dagupan ang may pinakamaraming bilang na umabot sa siyam.

Samantala, hinimok ni de Guzman ang publiko na magpabakuna kontra COVID-19 sakaling maging bukas sa publiko at sumunod sa health and safety protocols para maiwasan ang local transmission.

Facebook Comments