Umalma si Davao City Representative Paolo Duterte sa impeachment complaint laban sa kaniyang kapatid na si Vice President Sara Duterte na inihain sa Kamara ng mga kinatawan ng iba’t ibang civil society organizations, religious leaders, sectoral representatives at pamilya ng mga biktima ng tokhang.
Ang pag-alma ay inihayag ni Congressman Pulong sa kaniyang post sa sariling Facebook account.
Nakasaad din sa social media post ni Rep. Duterte ang pahayag ni dating Senator Leila de Lima na panahon na para ma-impeach si Inday.
Pero pasaring ni Rep. Pulong, nais ba ni De Lima na ito ang mamuno sa bansa pati ang umano’y mga ka-tropa nito na corrupt, addict at terorista.
Kasama rin sa mensahe ni Pulong na sana ay isalba ng Diyos ang Pilipinas laban sa nabanggit na mga indibidwal.
Si De Lima, ang tumatayong tagapagsalita ng 16 na complainant sa reklamong impeachment laban kay VP Sara.