24/7 vaccine rollout, inirekomenda ng isang kongresista

Hinihimok ni Deputy Speaker at 1PACMAN Partylist Rep. Mikee Romero ang pamahalaan na gawing 24/7 ang vaccine rollout sa bansa.

Sa mungkahi ni Romero, isinusulong niya na buksan 24/7 ang mga vaccination centers sa buong bansa upang mapabilis ang pagkamit ng herd immunity.

Naniniwala ang mambabatas na sa ganitong paraan ay mapapalakas din ang hakbang ng bansa sa paglaban sa COVID-19 pandemic.


Paliwanag ni Romero, ang mas mahabang oras ng operasyon ng mga vaccination sites ay makakaresolba rin sa problema sa overcrowding ng mga residente dahil mas masusunod dito ang health at security protocols.

Dagdag pa ng kinatawan, ang 24/7 vaccine rollout sa bansa ay bilang paghahanda na rin ng gobyerno sa posibilidad ng paglobo ng bilang ng mga vaccine recipients sakaling mapayagan na ang mga kabataang may edad 12 anyos hanggang 15 anyos na mabakunahan na rin ng COVID-19 vaccine.

Kasabay nito ay hinihikayat din ng kongresista si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na ikonsidera ang recruitment ng mga dagdag na vaccinators na siyang magmamando sa 24-hour vaccine facilities na bukas kahit weekends.

Facebook Comments