Thursday, September 17, 2026

24 WAGI SA PAGCOR PHOTOGRAPHY CONTEST 2026

Kasama ni Chairman Tengco at ilang miyembro ng PAGCOR Board ang mga grand winner at finalist sa Conventional Category ng 2026 PAGCOR Photography Contest sa awarding ceremony sa PAGCOR Corporate Office sa Pasay City.

Inanunsyo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) nitong Martes, Setyembre 14, ang 24 na nagwagi sa 2026 PAGCOR Photography Contest sa ginanap na awarding ceremony sa main office ng ahensya sa Pasay City.

May temang “Kids@Play,” tampok sa mga kuhang larawan ang saya, pagiging malikhain at mga aral na natututuhan ng mga bata sa pamamagitan ng paglalaro.

Umabot sa halos 3,500 ang mga entry mula sa amateur at professional photographers sa buong bansa para sa tatlong kategorya: Conventional, Mobile at Drone.

Sa Conventional Category, nagwagi sina Jessie Eno Jr. (Playground of the Sea); Reu Dawner Flores (Racing the Shifting Sands); Joshua Escalona (Circles of Life); Lee Harvey Gumban (Gravity Can Wait); John Nepomuceno Togonon (Ulan); Marvin Maning (Unbothered); Rogelio Junior Santos (The Days We Never Knew We’d Miss); at Klienne Eco (Grit in the Golden Dust).

Tumanggap ang bawat isa ng P100,000 cash prize, tropeo at certificate of merit.

Sa Mobile Category naman, panalo sina Robert Alvarez (Dreams Take Flight); Stevie Manugas (Kami at ang Dagat); Ethel Padecio (Where Paper Boats Carry Childhood Dreams); John Nepomuceno Togonon (Saranggola sa Baybayin); Pinky Manzano (Leap of Friendship); Porfirio Medina Jr. (Caution: Wet Floor); Jobert Espino (Splashing in the Greens); at Charlie Villagracia (Playground of Joy).

Sa Drone Category, nangibabaw sina Joel Forte (Fun Fun Fun Here We Come); Emman Foronda (Matayog na Pangarap); Ed Kirby Bunan (United in Play); Franz William Felicio (Lipad); Roderick Tan (Playground); Christopher Andres (Where Creativity Begins); Rayzamae Vasques (Nag-iisang Alon); at Mary Joy Christie (Sa Gitna ng Lakbay).

Ginawaran ang bawat nagwagi sa Mobile at Drone categories ng P50,000 cash prize, tropeo at certificate of merit.

Ayon kay PAGCOR Chairman and CEO Alejandro H. Tengco, hindi lamang saya ng pagkabata ang naipakita sa mga entry kundi maging ang mga pagpapahalagang nahuhubog sa mga bata sa pamamagitan ng paglalaro.

“The photographs captured by our 48 finalists not only depicted the joy and innocence of childhood but, more importantly, the lessons that children learn through play,” ani G. Tengco.

Hawak ng mga grand winner at finalist sa Drone Category ng 2026 PAGCOR Photography Contest ang kanilang mga tropeo at sertipiko sa awarding ceremony noong Setyembre 15, 2026, sa PAGCOR Corporate Office sa Pasay City.

Muling tiniyak ni Tengco ang patuloy na suporta ng PAGCOR sa mga Filipino photographer at iba pang creative talents.

“Makakaasa kayo na patuloy naming susuportahan ang mga programang nagbibigay ng pagkakataon sa ating mga kababayan na mapaunlad ang kanilang talento at maibahagi ito sa mas malawak na publiko,” aniya.

Si Togonon, na naging finalist din sa 2024 PAGCOR Photography Contest, ang tanging kalahok na nakasungkit ng grand prize sa parehong Conventional at Mobile categories ngayong taon.

“Gusto ko lang maipaalala sa mga tao ang kanilang kabataan,” ani Togonon, na umaasang maibabalik ng kanyang mga winning entry ang masasayang alaala ng pagiging bata.

Kaugnay nito, inihayag ng PAGCOR ang tema para sa 2027 Photography Contest na “Philippine Festivals: A Homage to Filipino Culture and Tradition.”

Hinimok ni Tengco ang mga lokal na photographer na gamitin ang kanilang mga lente upang itampok ang makukulay na pista at mayamang kultura at tradisyon ng bansa.

Kinilala ang mga grand winner at finalist sa Mobile Category ng 2026 PAGCOR Photography Contest para sa kanilang mga natatanging kuha.
Facebook Comments