Cauayan City, Isabela- Nakapag-uwi ng 25 na gintong medalya ang Lungsod ng Cauayan mula sa katatapos na Cagayan Valley Regional Athletic Association 2019 (CAVRAA) na isinagawa sa magkakaibang lugar dito sa rehiyon dos.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Jun Flores, Sports Coordinator ng DepEd, Cauayan Schools Division Office (SDO), kung saan nakapag-uwi rin ng mahigit dalawampung silver at bronze medal ang nasabing division mula sa iba’t ibang mga special events.
Ayon pa kay Flores, nakitaan nila ng kahusayan ang kanilang mga delegasyon na umaasang makakakuha ng mas mataas na antas sa susunod na mga sport events.
Kaugnay nito, malaking bagay anya na mayroong sariling standard sports facilities ang bawat divison upang makapaglaro ng maayos ang kani-kanilang mga atleta kagaya na lamang sa athletic at swimming events.
Malaki naman ang pasasalamat ng mga delegado sa alkalde ng Cauayan City dahil sa pagsuporta at pagbibigay ng sapat na pondo na ginugol sa paghahanda ng CAVRAA 2019.
Samantala, magiging punong abala ang Cauayan SDO sa CAVRAA 2020 kaya ngayon pa lamang ay naghahanda na ang nasabing lungsod sa kanilang hosting.