27 BAGONG SILID-ARALAN SA MANAOAG CENTRAL SCHOOL, PINASINAYAAN; KARAGDAGANG CLASSROOMS SA PANGASINAN, INAASAHAN

Isinasagawa ngayong araw ang blessing at inauguration ng Twin Building Project dito sa Manaoag Central School na bunga ng pagtutulungan ng Pamahalaang Bayan ng Manaoag at Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan.

Ang proyekto ay binubuo ng dalawang tatlong-palapag na gusali na may kabuuang 27 silid-aralan, na inaasahang makatutulong upang matugunan ang pangangailangan sa karagdagang pasilidad ng paaralan.

Pinangunahan ni Pangasinan Governor Ramon Guico III ang pagpapasinaya ng proyekto, kasama si Manaoag Mayor Jeremy Agerico Rosario, mga opisyal ng DepEd, mga guro at iba pang mga panauhin.

Ayon kay Governor Guico, mahalagang paglaanan ng sapat na pondo ang edukasyon dahil isa ito sa pinakamabisang paraan upang mabigyan ng pantay na oportunidad ang mga kabataan, anuman ang kanilang katayuan sa buhay.

Bukod sa bagong mga silid-aralan, binigyang-diin ng gobernador na kabilang sa tampok na katangian ng proyekto ang pagkakaroon ng mga mesa at upuan para sa mga mag-aaral.

Aniya, hindi lamang pagtatayo ng gusali ang mahalaga kundi ang pagtiyak na magiging maayos at kapaki-pakinabang ang mga pasilidad para sa aktuwal na pag-aaral.

Para naman kay Mayor Doc Ming Rosario, inaasahang malaking tulong sa komunidad ng Manaoag ang bagong pasilidad, partikular sa mga batang nangangailangan ng maayos na lugar para sa kanilang pag-aaral.

Samantala, inihayag ni Governor Guico na marami pang katulad na proyekto ang inaasahang maipatupad sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Ayon sa gobernador, mahigit ₱500 milyon ang pondong nagmula sa Department of Education na ipatutupad ng Pamahalaang Panlalawigan para sa konstruksiyon ng mga gusali at silid-aralan.

Dagdag pa ng gobernador, bagama’t pangunahing nakalaan sa imprastraktura ang pondo mula sa DepEd, sinisikap ng pamahalaang panlalawigan na makapaglaan din para sa mga kinakailangang mesa at upuan.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng wastong pagbabadyet at pagbibigay-prayoridad sa mga proyektong direktang makatutulong sa edukasyon.

Sa panig naman ng lokal na pamahalaan ng Manaoag, mahalaga ang patuloy na koordinasyon sa pamahalaang panlalawigan at DepEd upang mapalawak pa ang mga serbisyong pang-edukasyon sa bayan.

Samantala, kinilala rin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan sa pagtugon sa kakulangan ng mga pasilidad sa mga pampublikong paaralan.

Ayon kay DepEd Region I Regional Director Dr. Estela P. Leon-Cariño, EdD, CESO III, mahalagang mapalakas ang suporta sa mga paaralan upang magkaroon ng kapaligirang angkop sa pagkatuto ang mga mag-aaral.

Hindi naman matatawaran ang kahalagahan ng bagong mga silid-aralan para sa mga gurong araw-araw na nagsisikap na maihatid ang de-kalidad na edukasyon sa kanilang mga estudyante.

Para sa mga guro ng Manaoag Central School, malaking tulong ang pagkakaroon ng maayos na pasilidad upang maging mas komportable at epektibo ang kanilang pagtuturo.

Habang patuloy ang pangangailangan sa mas maraming silid-aralan sa lalawigan, umaasa ang pamahalaang panlalawigan na magsisilbing modelo ang bagong pasilidad sa Manaoag Central School para sa mga susunod pang proyektong pang-edukasyon sa Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments