27 na lugar sa bansa, isinailalim sa red category ng PNP para sa BSKE

Nilabas na ng Philippine National Police (PNP) ang inisyal na bilang ng areas of concern o election hotspot para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay PNP Operations Dir. PBGen. Leo Francisco, 27 lugar sa bansa ang tinukoy sa ilalim ng red category na karamihan ay nasa Mindanao.

Tumanggi rin muna ang PNP na tukuyin ang mga naturang lugar dahil kailangan pa itong isapinal ng PNP at posible pang mabago ang mga sitwasyon sa naturang lugar.


Samantala, nasa 232 na lugar naman ang nasa orange category at 4,085 ang nasa yellow category.

Inilalagay sa red category ang isang lugar kung may presensiya ng teroristang grupo, yellow category naman kung suspected election incident, political rivalry, partisan arm groups, at election related incident

Nasa orange category naman kung may kombinasyon ng dalawang yellow category at green kung walang security concern.

Nilinaw naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na hindi lahat ng lugar na nasa red category, ay hindi awtomatikong isasailalim sa Comelec control dahil magkaiba ang klasipikasyon ng komisyon at PNP.

Samantala, inaasahan namang isusumite ng PNP, AFP, at PCG ang pinal na listahan ng mga areas of concern para sa BSKE bago matapos ang Setyembre.

Facebook Comments