Umakyat na sa 2,068 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 Delta variant sa bansa.
Ayon sa Philippine Genome Center (PGC) at National Institutes of Health (NIH), nadagdagan ng 279 ang bagong kaso ng Delta variant sa bansa mula sa 367 samples na ipinasa ng 60 laboratoryo.
Sa mga bagong kaso, 245 ang local case habang 21 ay mula sa Returning Overseas Filipino (ROF) at 13 ang kinukumpirma pa kung saan nanggaling.
Nakarekober naman ang 267 sa mga ito, walo ang nasawi at dalawa ang aktibo habang hindi pa nabeberipika ang dalawa pa sa mga kaso.
Pinakamaraming Delta variant na natukoy ay mula sa National Capital Region (NCR), Calabarzon at Central Luzon.
Maliban sa Delta variant, nakapagtala rin ng 29 na bagong kaso ng Alpha variant, 28 na Beta variant case at 13 na P.3.