28 Katao, Naging Close Contact ng Service Crew na COVID-19 Positive sa San Manuel, Isabela

Cauayan City, Isabela- Nasa 28 na katao ang natukoy na close contact ng isang service crew na nagpositibo sa COVID-19 sa bayan ng San Manuel, Isabela.

Ayon kay Mayor Manuel Faustino ‘King’ Dy, mula sa 28 na nakasalamuha ng nagpositibo na isang 25 taong gulang na lalaki, binata, mula sa barangay District 2 ng San Manuel ay lima (5) dito ay mga nagtatrabaho sa RHU habang ang labing isa (11) ay mga nakasama sa sinakyang jeep at ang labing dalawa (12) ay mga nakasama sa quarantine facility.

Isa sa mga nakasalamuha ng pasyente ay isinailalim na sa swab test matapos makaranas ng ubo at sipon subalit nag negatibo naman sa COVID-19 ang resulta nito habang nakatakda namang iswab test ngayong araw ang 27 pa na nakasalamuha ng pasyente.


Ang pasyente ay Asymptomatic o walang ipinamalas na sintomas ng COVID-19.

Mayroon itong travel history sa Sampaloc, Manila at dumating sa bayan ng San Manuel noong June 19, 2020 sa pamamagitan ng Balik probinsya program ng lokal na pamahalaan.

Nakatakda sana itong irelease noong July 3 subalit isinailalim muli sa rapid test at lumabas ang resulta nito na siya ay positibo sa virus.

Agad na kinuhanan ng swab sample ang ang pasyente para masuri sa COVID-19 at lumabas ang resulta nito noong July 6 na siya ay positibo sa nakamamatay na sakit.

Samantala, nag negatibo na rin sa ikalawang swab test ang unang naitalang kaso ng COVID-19 sa bayan ng San Manuel at siya ay kasalukuyang minomonitor sa ospital.

Gayunman, isasailim muli sa swab test sa July 11 ang naturang pasyente at kung sakaling magnegatibo ang resulta ay maaari na itong ma-discharged sa ospital.

Facebook Comments