3 Barangay sa Luna, Apektado ng ASF; 300 Baboy, isinailalim sa Culling o Pagpatay

Cauayan City, Isabela-Umabot sa mahigit 300 baboy ang isinailalim sa culling dahil sa African Swine Fever (ASF) sa Bayan ng Luna, Isabela.

Ayon kay Mayor Jaime Atayde, ilan sa posibleng dahilan ng pagkakaroon ng positibong kaso ng ASF sa bayan ay dahil sa mga biyahero na mula sa lalawigan ng Bulacan na posibleng pinagmulan ng naturang sakit ng mga baboy.

Naitala ang kaso ng ASF sa tatlong barangay na kinabibilangan ng Lalog 1, Lalog 2 at Harana.


Inihayag pa ni Atayde na may iba pang barangay sa naturang bayan ang nakitaan ng sintomas ng ASF.

Dagdag pa ng alkalde, tinatayang walong barangay na sa kanilang bayan ang posibleng natamaan ng ASF at posibleng umabot pa sa 600 mga baboy ang maisasailalim sa culling.

Pag-aamin din nito na bumagsak ang kita ng mga negosyante na nagtitinda ng baboy dahil sa usapin ng ASF.

Sa ngayon ay pumasa na sa konseho ng kanilang bayan ang ordinansa na magtatakda ng centralize station para sa pagbili ng karneng baboy at hindi na maaari sa mga bahay-bahay o talipapa.

Facebook Comments