
Hindi na kailangang bumiyahe nang malayo ang mga residente ng San Carlos City para kumuha ng mahahalagang dokumento at serbisyo mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito ay matapos ianunsyo ng LGU San Carlos City – Office of the City Civil Registrar, katuwang ang PSA Regional Statistical Services Office I (RSSO1), ang nakatakdang Mobile Civil Registration System o CRS Caravan sa Oktubre 13 hanggang 15, 2026.
Batay sa ulat, alinsunod umano ang aktibidad ng pagdiriwang ng 37th National Statistics Month at layunin nitong ilapit sa mga residente ang mga pangunahing serbisyo ng civil registration at national identification.
Kabilang sa mga serbisyong available sa caravan ang pagkuha ng PSA Birth Certificate, Marriage Certificate at Death Certificate. Maaari rin ang pagkuha ng Certificate of No Marriage Record (CENOMAR) at Certificate of No Death Record (CENODEATH).
Magkakaroon din ng PhilSys National ID registration at ePhilID issuance, na makatutulong sa mga residenteng kailangang magparehistro o makakuha ng kanilang national identification document.
Para sa mga kukuha ng PSA documents, ₱155 ang bayad para sa Birth, Marriage at Death Certificate. Samantala, ₱210 naman ang bayad para sa CENOMAR at CENODEATH.
Hinihikayat naman ng lokal na pamahalaan ang mga nangangailangan ng nasabing serbisyo na samantalahin ang caravan sa tatlong araw na pag-iikot ng mga serbisyo ng PSA at civil registration sa San Carlos City. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
