BARIL, NAKUMPISKA SA OPERASYON KONTRA PAGNANAKAW SA SOLAR FARMS SA AGUILAR AT BUGALLON

Dalawang improvised na shotgun at apat na bala ang nasamsam ng Pangasinan 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa isinagawang operasyon laban sa pagnanakaw sa mga solar power farm sa bulubunduking bahagi ng Aguilar at Bugallon, Pangasinan.

Nagsimula ang limang araw na Major Internal Security Operation (ISO)/Law Enforcement Operation noong Setyembre 25, 2026.

Ayon sa ulat, target nitong mapigilan ang mga insidente ng pagnanakaw o pagkuha ng mga kagamitan mula sa mga solar power farm sa lugar.

Noong Setyembre 28, habang isinasagawa ang operasyon, nasamsam ng operating troops ang dalawang improvised 12-gauge shotgun at apat na bala.

Narekober din ang isang sako na naglalaman ng isang martilyo, isang improvised na martilyo, dalawang nakarolyong extension cord at mga copper wire na patag at nakapulupot.

Pinaghihinalaang maaari umanong nagmula sa mga solar power farm ang mga copper wire na posibleng nakuha mula sa mga hinubad na electrical wire. Gayunman, sasailalim pa sa kaukulang dokumentasyon at pagsusuri ang mga nakuhang materyales.

Samantala, isinailalim sa documentation, inventory at tamang disposisyon ang mga nasamsam na baril, bala at iba pang kagamitan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments