Cauayan City, Isabela- Matagumpay na natapos ang isinagawang tatlong araw na Provincial Youth Leadership Summit (PYLS) sa lalawigan ng Isabela sa pamamagitan ng virtual meeting at limited na face-to-face lecture noong ika-6 hanggang 8 ng Agosto taong kasalukuyan.
Dinaluhan ito ng nasa 105 na mga kabataan na nagmula sa iba’t-ibang bayan sa Isabela.
Ito’y sa tulong ng pinagsanib-pwersa ng kasundaluhan ng 502nd Infantry Brigade, 86th Infantry Battalion, at 95th Infantry Battalion.
Mula sa bilang na 105 na mga kabataang nagtapos ng YLS, 43 sa mga ito ay galing sa bayan ng San Guillermo, Sta Maria, San Mariano at Benito Soliven samantalang ang 62 ay mga miyembro ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT).
Sa nasabing Summit, itinuro sa mga kalahok ang kahalagahan ng pamilya; komunidad, ang sarili; kalikasan; tungkol sa Leadership Development, Role of Youth in Nation Building at kung paano makaiwas sa ginagawang pagrerekrut ng CPP-NPA-NDF.
Layunin ng YLS na matulungan ang mga kabataan na maunawaan ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad sa komunidad, mapaunlad ang kanilang potensyal na pamumuno at maitaguyod ang pagiging nasyonalismo.
Layon din ng nasabing aktibidad na maturuan ang mga Kabataan sa kung paano mamuno sa isang organisasyon sa hinaharap.