Maguindanao, Philippines – Patay ang tatlong katao, habang pitong mataas na kalibre ng baril ang narekober ng mga otoridad matapos ang anti-illegal drugs operation sa Maguindanao.
Ayon kay Lt. Col. Harold Cabunoc, Commander ng 33rd Infantry Battalion, bandang alas 530 ng madaling araw nang maganap ang sagupaan sa Datu Paglas, Maguindanao.
Nagsilbing support group ang mga sundalo ng 33rd Infantry Battalion sa tropa ng PNP na nagsagawa ng operasyon laban sa 15 tauhan ng isang nagngangalang Abdulatip Pendaliday alyas Grasscutter.
Ang sagupaan ay tumagal ng isang oras na nagresulta sa pagkasawi ng mga drug suspect na sina Samir Pendaliday, Nastudin Saligan, at Rakim Pendaliday, mga resident ng Lipao village, Datu Paglas.
Nakuha sa lugar ang 3 M16 rifles, 3 M203 Grenade Launchers, at 1 M79 Grenade Launcher kabilang pa ang 34 grams ng Shabu na nagkakahalaga ng P170,000.