3 Illegal Loggers, Huli sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Arestado ang tatlong (3) katao dahil sa pagpuslit ng iligal na pinutol na mga kahoy sa barangay sa Pag-asa, Echague, Isabela.

Nakilala ang mga nahuli na sina Pedferlyn Salvador, 47 taong gulang; Gilbert Domingo, 37 taong gulang; at Jomar Adzuara, 25 taong gulang, pawang mga residente ng Barangay Villa Bello, Jones, Isabela.

Una rito, nagsagawa ng anti-illegal logging operation ang mga kasapi ng Echague Police Station sa nasabing lugar nang mamataan ng mga pulis ang isang 6×6 na truck na sakay ng mga suspek at nadiskubre na naglalaman ito ng mga natistis na kahoy.


Nang hanapan ng kaukulang dokumento ang mga suspek ay nagpresinta ang mga ito ng lumang permit na dati nang nagamit sa mga una nilang transaksyon.

Dito na tuluyang hinuli ang tatlong suspek kung saan nakumpiska sa kanila ang 157 piraso ng magkakaibang laki ng tabla na tinatayang nasa 1,751 board feet at may katumbas na halagang Php70,000.00.

Kinuha rin ng mga otoridad ang sakay na ginamit sa pagpupuslit ng tatlong suspek.

Nasa kustodiya na ng Echague Police Station ang tatlong suspek maging ang mga nakumpiskang kontrabandong kahoy.

Naisampa na rin ng pulisya ang kasong paglabag sa PD 705 (Revised Forestry Code of the Philippines) laban sa tatlong suspek.

Facebook Comments