Cauayan City, Isabela- Dinakip ng mga otoridad ang tatlong (3) kalalakihan matapos maaktuhang nagmimina sa bahagi ng Sitio Namnama, Brgy. Santos, Quezon, Isabela.
Ang mga suspek ay nakilalang sina Rolando Busante, 44 anyos, magsasaka, residente ng Minagbag, Quezon, Isabela, Roberto Dela Cruz, 65 anyos, magsasaka, residente ng Casili, Mallig, Isabela at Alfredo Sales, 53 anyos, residente naman ng San Antonio, San Mateo, Isabela.
Sa ibinahaging impormasyon ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), naaktuhan ang mga suspek na nagbubutas at gumagawa ng tunnel sa ilalim ng puno ng Ballete na sakop ng nagngangalang Nilo Bautista ng Brgy. Samonte, Quezon, Isabela para maghanap at manguha umano ng mga mineral.
Nakumpiska ng mga otoridad ang apat (4) na piraso ng Stick detector, isang (1) malaking martilyo, isang (1) crow bar, isang (1) shovel at dalawang (2) corrugated rods.
Agad na dinala sa himpilan ng pulisya ang mga suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon at disposisyon.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa RA 7076 o Small-Scale Mining Act na isasampa laban sa mga suspek.