Santiago City, Isabela- Arestado ang tatlong indibidwal na may kasong paglabag sa RA 9165 at Paglabag sa PD 1612 sa lungsod ng Santiago, Isabela.
Kinilala ang isang nahuli na may kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act na si Noel Lorenzana, trentay dos anyos, walang asawa, construction worker at residente ng Batal, Santiago City, Isabela.
Si Lorenzana ay nadakip noong Marso 30, 2018 nang pinagsanib pangkat ng SCPO at PS1 SCPO sa pangunguna ni COP Rolando Gatan mula sa inihaing Warrant of Arrest ni hukom Efren Cacatian ng RTC Second Judicial Region Branch 35 Santiago City.
Samantala, nahuli rin ang dalawang inidibidwal na may kasong Paglabag sa PD 1612 o Anti- Fencing Law na sina Harris Montemayor, 39 anyos, may asawa, supervisor ng Spring Garden resort at residente ng Dubinan East, Santiago City habang ang isa naman ay kinilalang si Sotero Labasan, 61 anyos, may asawa, drayber at residente ng Calao East, Santiago City.
Sina Montemayor at Labasan ay nadakip ng pinagsamang elemento ng SCPO, PS1 SCPO at Highway Patrol Group sa pangunguna ni PCI Melchor Pascua mula sa inihaing Warrant of Arrest ni hukom Bernabe Mendoza ng RTC Second Judicial Region Branch 23, Roxas, Isabela noong Marso 18, 2018.
Nasa kustodiya na ng SCPO ang tatlong nahuli na mapapatawan ng karampatang parusa laban sa kanila.