Cauayan City, Isabela- Deretso sa kulungan ang tatlong (3) kalalakihan matapos mabisto sa pagbebenta ng mga pekeng sigarilyo sa dalawang (2) negosyante sa Barangay Parabba, Peñablanca, Cagayan.
Kinilala ang mga suspek na sina Protacio “Val” Eugenio, 56 anyos, may-asawa, magsasaka; Jaime Lugo, 53 anyos, driver at Albert Taguinod, 28 anyos, may-asawa, construction worker na pawang mga residente ng Tumauini, Isabela.
Lumabas sa imbestigasyon ng Peñablanca Police Station, dakong alas dose y medya ng tanghali kahapon, Hunyo 26, 2021, ibinenta ng dalawang suspek ang isang (1) pack o rim ng sigarilyo (Fortune Light) sa dalawang biktima sa halagang Php1,050.00 na mas mura kumpara sa dating presyo nito sa merkado.
Ngunit napansin ng mga biktima na pareho ang bar code number at tax tamp code ng nabiling sigarilyo sa Philip Morris International Code (PMI Code) kaya’t agad na naghinala ang mga biktima na peke ang ibinenta ng mga suspek.
Nang hanapan ang mga suspek ng kaukulang dokumento kaugnay sa pagbiyahe at pagtitinda ng mga sigarilyo ay walang naipresinta ang mga ito.
Bigo rin ang mga suspek na makapagpakita ng kanilang health certificate o COVID-19 health pass.
Dito na nagsumbong ang mga biktima sa kanilang Barangay Official at ini-report din ang insidente sa himpilan ng pulisya.
Nakumpiska sa pag-iingat ng mga suspek ang iba’t-ibang uri ng sigarilyo na isinakay sa kanilang gamit na sasakyan na may plakang UEB 566.
Dinala ang mga suspek kasama ang mga nakumpiskang sigarilyo sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Nahaharap ngayon sa limang kaso ang mga suspek tulad ng paglabag sa RA 9211 (An act regulating the packaging, use, sale, distribution, and advertisements of Tobacco products and other purposes); RA 7394 (Consumers Act of the Philippines), RA 8293 (Intellectual Property Code), RA 11332 at Estafa.