Cauayan City, Isabela- Bagsak sa kulungan ang tatlong magbabarkada na bumili ng panandaliang aliw matapos pagnakawan ng cellphone ang isa sa mga binayaran at inilabas na babae sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Nakilala ang mga suspek na sina Antonio Briones, 36 taong gulang, tricycle driver, residente ng San Luis, City of Ilagan, Isabela; King Gerald Lapitan, 25 taong gulang, tricycle driver, residente ng Guibang, Gamu, Isabela at John Arc Paguirigan, 23 taong gulang, isang marine engineering at residente ng Bacolod, City of Ilagan, Isabela.
Sa imbestigasyon ng PNP Cauayan, pasado alas 11:00 kagabi, August 26, 2021, naglabas ng tatlong entertainer ang tatlong mga suspek at dinala sa isang kilalang hotel sa barangay San Fermin.
Nagkaroon ang mga ito ng dalawang oras na usapan para sa panandaliang aliw.
Matapos ang dalawang oras, bigla umanong tinutukan ng ‘Sumpak’ ni King Gerald ang isang entertainer at hinablot ang cellphone nito at agad umano itong sumakay ng traysikel kasama ang iba pang barkada patungo sa City proper.
Agad na humingi ng saklolo sa himpilan ng pulisya ang biktima kaya’t inalerto naman ang mga pulis na nagbabantay sa Tagaran checkpoint upang harangin ang dalawang (2) lulang traysikel ng mga suspek.
Dito na tuluyang nahuli ang tatlong suspek na tinukoy din ng tatlong mga biktimang entertainer.
Sa isinagawang body search ng mga otoridad, nakuha sa pag-iingat ni Gerald King ang isang ‘Sumpak’ na gawa sa steel pipe, dalawang bala ng shotgun, isang (1) unit ng cellphone, pera na nagkakahalaga ng P400.00, lighter at ang ginamit na traysikel nito.
Nakuha naman mula kay Antonio Briones ang isang (1) ziplock transparent plastic sachet ng hinihinalang marijuana na may fruiting tops, dalawang (2) set ng baraha, coins at isang traysikel na walang plaka.
Nakapkapan rin ng anim (6) na piraso ng sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana na may fruiting tops si John Arc, isang (1) plastic sando bag na naglalaman ng dried marijuana leaves na may stem at fruiting tops, mga ID, baraha, P5,000 cash at ang cellphone na hinablot sa biktima.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa mga suspek, mariin nilang itinatanggi na mayroon silang dalang sumpak at marijuana at at ito ay itinanim lamang umano ng mga pulis na nanghuli sa kanila.
Nagawa umano ni King Gerald na kunin ang cellphone ng biktima bilang kapalit ng kanilang ipinambayad dahil wala umanong nangyaring pagniniig dahil naubos umano ang kanilang oras sa paghahanap ng hotel.
Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ngayong araw, August 27, 2021 ang tatlong suspek at inihahanda naman ng pulisya ang kasong Robbery with force upon Things, paglabag sa RA 10591 at paglabag sa RA 9165 na isasampa laban sa mga magbabarkada.