Cauayan City, Isabela- Tatlong matataas na lider ng New People’s Army (NPA) at anim na milisya ng bayan na miyembro ng Central Front, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) ang sumuko sa 502nd Infantry Brigade, Philippine Army na nakahimpil sa Soyung, Echague, Isabela.
Kusang nagbalik loob sa pamahalaan ang tatlong lider mula sa Mindanao na sina Ramil Echori alyas ‘Papi’, miyembro ng Sub Guerilla Unit, isa sa mga gumagawa ng pampasabog, si ka Daryl at si ka Kolikot na parehong squad leader ng Regional Sentro de Grabidad, KR-CV at ipinadala sa Lalawigan ng Isabela.
Habang ang anim na milisya ng bayan ay sina alyas ka Bogart, Ka Lemy, Ka Dagger, Ka Rapi, Ka Melvin at Ka Yam na pawang miyembro ng central Front ng KR-CV.
Isinuko ng tatlong pinuno ng NPA ang isang (1) M60 machine gun, M14 riffle, labingdalawang (12) M16 riffle, improvised explosive devices, mga subersibong dokumento at mga kasangkapan sa paggawa ng bomba.
Ayon sa tatlong sumukong lider ng NPA, dalawang taon lamang ang kanilang kontrata na makibaka sa Lambak ng Cagayan partikular sa lalawigan ng Isabela subalit nang maisipan ng mga ito na magbalik loob sa gobyerno ay tumakas sila sa kanilang kampo.
Hinikayat naman ni BGen.Laurence Mina, Commander ng 502 IB, PA ang mga natitirang NPA na magbalik loob na upang mapakinabangan ang iba’t-ibang programa na inilaan sa kanila ng gobyerno at makapag bagong buhay kasama ang pamilya.
Sinabi ni MGen.Pablo Lorenzo, Commander ng 5ID, PA na humihina na ang presensya ng NPA sa Lambak ng Cagayan dahil sa sunod-sunod na pagsuko ng mga rebelde at patuloy na paghikayat ng pamahalaan.