Cauayan City, Isabela- Iginiit ni Cagayan Governor Manuel Mamba na may tatlong (3) alkalde ang sangkot at protektor umano ng illegal logging at sinasabing dahilan ng pagkakalbo ng kabundukan sa malaking bahagi ng lalawigan.
Ayon kay Mamba, ilan sa mga ito ang sinasabing yumaman dahil sa pagbibigay proteksyon sa iligal na pamumutol ng kahoy sa kani-kanilang bayan.
Aniya, ilan din sa mga uniformed personnel ang sinasabing kasabwat sa iligal na gawain kung kaya’t patuloy ang nararanasang pagkakalbo na isa sa dahilan ng naranasang malawakang pagbaha sa Cagayan makaraang bayuhin ng kalamidad ang probinsya.
Matatandaang problema sa lalawigan ang kaliwa’t kanang illegal logging na hindi mapigilan dahil sa umano’y protektado ng ilang opisyal ng gobyerno ang iligal na gawain.
Tumanggi naman ang gobernador na banggitin ang mga opisyal na sinasabing sangkot umano sa iligal na gawain.
Magugunita naman na isiniwalat noon ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) na ang bayan ng Peñablanca at Baggao ay nananatiling illegal logging hotspot zone sa probinsya.
Kaugnay nito, hinimok naman ni Mamba ang lahat ng Cagayano na pumili ng tamang tao at hindi magpasilaw sa pera kapalit ang boto na sana’y babago sa pangit na imahe ng mga bayan mula sa iligal na aktibidad.