3 miyembro ng ‘big time’ holdap group, huli sa Bulacan

Naaresto na ang tatlong miyembro ng big time holdap group na bumibiktima sa mga negosyanteng nagwi-withdraw ng malaking halaga sa bangko sa Bulacan.

Ilang beses nang nasapul ng CCTV ang krimen ng grupo na umaatake sa ilang bahagi ng Bulacan, Pampanga at Quezon City.

Ayon kay Police Colonel Chito Bersaluna, Bulacan police provincial director, nakuha ng isang saksi ang plate number ng getaway vehicle ng mga suspek kaya naitimbre ito ng pulisya sa mga bangko sa Bocaue, Bulacan.


Kaya nang namataan, naitawag agad ito sa pulisya na nagresulta sa pagkaaaresto sa mga ito.

Aniya, modus ng mga suspek na abangan ang malalaking withdrawal at magkukunwaring kliyente rin ng bangko pero nagmamanman na ang mga ito ng kanilang biktima.

Narekober naman sa mga suspek ang anim na baril, isang granada at limang sachet ng shabu.

Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang dalawa pang kasamahan ng mga suspek na nakatakas.

Facebook Comments