Ang tatlong indibidwal na empleyado ng Saty Corporation ay natimbong sa mismong compound ng kumpanya sa Brgy Macate, Bambang, Nueva Vizcaya bandang 4:30 ng hapon noong Nobyembre 21, 2022.
Dinakip sa kasong Qualified Theft sina alyas Gery, 45-taong gulang, may asawa at residente ng Methodist St., Brgy. Banggot, Bambang Nueva Vizcaya at alyas Roman, 48-taong gulang, may asawa habang arestado naman sa paglabag sa PD 1612 o Anti-Fencing Law alyas Dory, 25 taong gulang, walang asawa at residente ng Purok 5, Santa Rosa, Bayombong, Nueva Vizcaya at pawang mga empleyado ng nasabing kumpanya dahil sa pagbili ng mga nakaw na produkto.
Samantala, kinilala naman ang biktima na si Jennifer Okamoto, may asawa, negosyante, may ari ng nasabing kumpanya at residente ng Brgy Macate, Bambang Nueva Vizcaya.
Sa ibinahaging impormasyon sa Police Regional Office 2, nag iikot umano ang may ari ng kumpanya sa Saty’s Firing Range Compound at Saty’s Amusement Park kasama ng iba pa niyang empleyado ng maaktuhan nila ang dalawang suspek na nagbebenta ng pitong galon ng diesel kay alyas Dory.
Naglalaman ng tatlumpung (30) litro bawat galon na may tinatayang halagang humigit kumulang P15,750.
Ang mga galon ng diesel ay nadiskubre sa likod ng dump truck na gamit ng mga suspek.
Itinawag ng biktima ang insidente na agad namang nirespondehan ng PNP Bambang na nagresulta sa pagkaaresto ng mga nabanggit na suspek.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bambang PS ang tatlong nadakip para sa kaukulang imbestigasyon at tamang disposisyon.