Cauayan City, Isabela- Binawian na ng buhay ang isa sa limang sakay ng Van habang Sugatan ang apat (4) na katao kabilang ang drayber matapos bumangga at araruhin ang tatlong (3) sasakyan na nakaparada sa kahabaan ng pambansang lansangan ng barangay Cabaruan, Cauayan City, Isabela.
Nakilala ang nasawi na si Aiza Dela Peña, nasa wastong gulang at residente ng Palanan, Isabela.
Sugatan naman ang suspek at drayber ng isang Hyundai Starex Van na may plakang ZNJ-130 na si Elmer Mendez Usbal, nasa wastong gulang, may-asawa, tubong Dicaduan, Palanan, Isabela at kasalukuyang naninirahan sa Woodcrest Subdivision, Tagaran, Cauayan City, Isabela.
Kasama rin sa mga nasugatan ang mga pasahero nito na kinilalang sina Maribel Donato, 33 taong gulang, ngeosyante; Bryan Chavez, 22 taong gulang, binata, kapwa residente ng Bisag, Palanan, Isabela; Aiza Dela Peña, nasa hustong gulang, resident ng Palanan, Isabela at John Rouie Chavez, 18 taong gulang, walang asawa at nakatira naman sa Centro West, Palanan, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLT Scarlette Topinio, Information Officer ng Cauayan City Police Station, batay sa inisyal na pagsisiyasat ng mga imbestigador, pasado alas 9:00 kagabi nang bumaybay sa kalsada patungong Cauayan City proper ang suspek at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay biglang sumalpok sa tatlong nakaparadang sasakyan sa kanang bahagi ng highway.
Nagtamo ng matinding yupi ang mga sasakyan na kinabibilangan ng kulay orange na Nissan Navarra, may plakang F2R797 na pagmamay-ari ni Jeffrey Uy Tan, 40 anyos, may asawa, negosyante, residente ng Cabaruan, Cauayan City, Isabela; Nissan Navarra, color silver gray, na may plakang ABX 4243 na pagmamay-ari ni Marvin Isidro, 47 anyos, may-asawa, negosyante residente ng Cabaruan, Cauayan City, Isabela at isang puting Mitsubishi L300, na may plakang DDM1444 na pagmamay-ari naman ni Salvador Ordonez ng Cabaruan, Cauayan City, Isabela.
Dahil sa tindi ng pagsalpok ng minamanehong sasakyan ng suspek ay nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga sakay nito na agad namang dinala sa pagamutan.
Habang nilalapatan ng lunas si Aiza Dela Peña ay binawian din ito ng buhay.
Naka Hospital arrest ngayon ang suspek at sakaling makalabas na ng ospital ay dadalhin na ito sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at disposisyon.
Ayon pa kay PLT Topinio, nakainom ang suspek nang siya ay magmaneho at siya’y mahaharap sa patong-patong na kaso.