Humaharap ngayon sa kasong paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940 ang tatlong Pakistani na naaresto sa Mindanao.
Sa pamamagitan ng mission order na inilabas ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, naaresto ang mga suspek na umano’y konektado sa local terrorist group.
Ang isang suspek na naaresto sa Purok Durian sa Barangay Pinig Libano, Dumalinao, Zamboanga del Sur ay ang Pakistani na si Faizan Muhammad alyas Faizan Khan, 34 years old dahil sa paglabag sa kondisyon ng kanyang pananatili sa bansa at ang pagiging undocumented alien nito.
Si Muhammad, kasama ang nagngangalang Ali Wahab, ang subject ng reklamo ng isang Pinay dahil sa hindi nababayarang merchandise na mag-iisang taon na.
Dahil sa reklamo ng Pinay na negosyante ay dito na raw nagsimula ang panggigipit ng mga suspek sa pamilya ng complainant at binalaan silang papatayin dahil konektado raw ang mga ito sa teroristang grupo.
Ito raw ang naging mitsa ng pag-iisyu ni Tansingco ng mission order para maaresto si Muhammad.
Lumalabas na hindi nakapagpakita ng pasaporte at Philippine National ID ang suspek.
Ang sinasabing kasabwat ng dalawa na si Ali Wahab, 36 years old, ay naaresto naman sa Barangay Banago, Balabagan, Lanao del Sur.
Kasama ni Ali ang isa pang Pakistani na si Ajmal Ali, 35 years old, na parehong overstaying at undocumented na sa bansa.
Si Ali ay napaulat na supplier ng materials para sa local extremist group sa Central Mindanao.
Nagprisinta si Ali ng Philippine driver’s license bilang patunay na isa itong Pilipino pero bigo namang magprisinta ng kanilang travel documents.