3 Pilipinong manlalakbay, kinilala ni PBBM

Binigyang pagkilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tatlong Pilipinong manlalakbay na nakarating sa 193 UN member-countries, na isang pambihirang tagumpay na naaabot lamang ng hindi tataas sa 500 katao.

Ang mga pinarangalang manlalakbay ay sina Odette Ricasa, ang kauna-unahang Pilipino nagkamit ng naturang milestone; Luisa Yu, ang pinakamatandang Pilipinong nakarating sa 193 UN countries; at ang pinakabata Pilipino na si Kach Medina Umandap.

Kasama nilang humarap sa Pangulo si Donalito Bales, ang nagtagtag ng global community ng Filipino World Travelers.

Sa courtesy call sa Malacañang, ibinahagi ng tatlo kay Pangulong Marcos ang kanilang mga karanasan sa paglalakbay.

Humanga naman ang Pangulo sa naging dedikasyon ng mga manlalakbay na matupad ang kanilang mga pangarap at nais aniya niyang matuto sa kanilang mga karanasan.

Binigyan din ni Bales si Pangulong Marcos ng kopya ng kaniyang libro na pinamagatang “Galà: Adventures of the Most Well-Traveled Filipinos,” kung saan tampok ang mga kuwento ng mga Pilipinong manlalakbay.

Facebook Comments