Nanganganib maalis sa serbisyo ang 3 pulis na sangkot sa pagpapaputok ng baril bago mag Bagong Taon.
Ito’y ayon sa Philippine National Police (PNP) kung mapatutunayang nagkaroon ng kapabayaan sa paggamit nila ng baril na labas sa kanilang pagganap sa tungkulin.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, 1 sa 3 pulis na ito ay napaulat na nagpaputok ng baril nito lamang bisperas ng bagong taon sa Zamboanga City.
Kinuha umano ng naturang pulis ang service firearm ng kanyang kasamahan at pinaputok ito sa likod ng kanilang istasyon habang sila’y nag-iinuman.
Kasalukuyan nang under restrictive custody ang naturang pulis at nahaharap sa mga kasong administratibo at kriminal.
Habang ang 2 pulis naman na sangkot sa illegal discharge of firearms ay nangyari sa Malabon at Quezon City.
Sa kabuuan, nakapagtala ang PNP ng 13 kaso ng illegal discharge of firearms kung saan, arestado ang lahat ng mga nasasangkot habang 8 baril naman ang nakumpiska ng mga awtoridad.