Mga bus terminal sa Maynila, unti-unti ng dinadagsa ng mga pabalik na pasahero

 

Dagsa na ang mga pabalik na pasahero sa ilang bus terminal sa Sampaloc, Maynila.

Karamihan sa mga nagbalik na bus ay nagmula sa Norte partikular sa Abra, Tuguegarao, Aparri, Cagayan, Claveria, Isabela, Cauayan, Santiago at Cabanatuan.

Mahigpit na seguridad naman ang ipinapatupad ng Manila Police District (MPD), barangay opisyal at pamunuan ng bus upang walang maging problema.


Pero ilang mga pasaway na tricycle driver ang nagkalat sa paligid ng bus terminal na halos lahat ay kinokontrata ang mga nagsibalikan pasahero.

Marami naman mga unit ng taxi ang sinisita ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) dahil tila ginagawa ng terminal ang kalsada.

Inaasahan din ng mga pamunuan ng bus dito sa Sampaloc na hanggang mamayang gabi ay mas dadami pa ang bilang ng mga pasahero na pabalik sa Maynila.

Kaugnay nito, nagtutulong-tulong ang mga tauhan ng MPD at MTPB para masiguro ang seguridad at kaayusan lalo na ang daloy ng trapiko.

Facebook Comments