3 Pulitiko sa Mountain Province, Nag-aagawan sa Posisyon ng Pagka-alkalde

Cauayan City, Isabela- Nag-aagawan ngayon sa posisyon ng pagka-alkalde ang tatlong pulitiko sa Paracelis, Mountain Province.

Sa isinagawang Press Conference, iginiit ni Dr. Marcos Ayangwa na siya ang karapat-dapat na umupong alkalde ng bayan matapos diskwalipikahin ng COMELEC noong April 19, 2022 ang kandidatura ng nanalong Mayor na si Avelino Amangyen.

Si Amangyen ay pinatawan ng parusang Reclusion Temporal na may kaakibat na accessory penalty na perpetual absolute disqualification para pamunuan ang isang tanggapan o opisina ng pamahalaan dahil sa kinakaharap nitong kasong PD 705 o Illegal Logging Law.

Batay sa naging resulta ng nakaraang halalan, nanalo si Amangyen sa pagka-alkalde matapos makakuha ng 9,220 votes laban sa katunggaling si Ayangwa na mayroong 5,185.

Sa kasalukuyan, pinaghahanap ng mga awtoridad si Amangyen matapos ipag-utos ng korte ang pagdakip sa kanya dahil sa naturang kaso.

Matatandaang naghain sa 2nd Division ng Comelec Central Office ng COC cancellation ang isang Franklin Talawec laban kay Amangyen at kalauna’y nagbaba ng desisyon na nag kansela ng kanyang kandidatura.

Batay sa DILG Order, kailangang kilalaning alkalde ng Paracelis si Vice Mayor elect Djarma Rafael dahil hindi pwede sina Amangyen at Ayangwa.

Sa kabilang dako, naghain naman ang legal team ni Ayangwa ng Letter of Opposition sa DILG Central Office sa Quezon City para kuwestiyunin ang legal opinion ng DILG CAR na nagkokonsidera sa pag-upo ni Vice Mayor elect Rafael.

Sa ngayon sina Ayangwa at Rafael ang umaaktong alkalde ng Paracelis dahil nagtatago ang sentensyadong si Amangyen kahit ito ang nanalong punong bayan.

Naniniwala din si Ayangwa na COMELEC ang makakaresolba sa isyung ito dahil ang komisyon ang may mandato sa pagresolba sa legal question sa mga elective officials ng bansa.

Facebook Comments