
Nakitaan ng Department of Health (DOH) ng paglobo ng mga kaso ng Dengue ang siyam na lokal na pamahalaan sa Luzon.
Ayon sa DOH, dumarami ang mga nagkakasakit ng Dengue sa Calabarzon, Central Luzon, at National Capital Region (NCR).
Kaugnay niyan, inatasan na ng DOH Centers for Health Development ang Regional Epidemiology and Surveillance Units (RESUs) na makipag-ugnayan sa counterparts ng mga ito sa Local Government Unit (LGU) level.
Alinsunod sa batas, tanging ang opisyal ng LGU ang maaaring magdeklara ng local Dengue outbreak.
Nitong Sabado nang magdeklara ang Quezon City ng Dengue outbreak matapos lumobo ng 200% ang bilang ng mga tinamaan.
Hanggang noong Biyernes kasi ay nasa 1,769 na ang may Dengue sa lungsod kung saan may sampu na ring pasyente ang nasawi.