Nadakip ng mga pulis ang isang drug suspek kahapon, Agosto 10, 2022 sa Santan Street, Barangay Balzain West, Tuguegarao City.
Kinilala ang suspek na si alyas Noli, 20 taong gulang, single, walang trabaho.
Siya ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Jezarene Callangan-Aquino, Acting Presiding Judge ng RTC Branch 10, Tuguegarao City, Cagayan na ipinalabas noong Marso 16, 2022.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022 kung saan walang inirekomendang piyansa para rito.
Habang isang indibidwal naman ang nadakip dahil sa kaso nitong estafa sa Lungsod ng Tuguegarao, nitong Martes, Agosto 9, 2022.
Kinilala ang suspek na si alyas Totto, 41 anyos, negosyante, at residente ng Gonzaga Street, Centro 10, Tuguegarao City.
Pansamantala naman siyang makakalaya kung makakapaglagay ng P20,000 na piyansa.
Ang suspek ay nasa kustodiya ngayon ng Tuguegarao City Police Station para sa dokumentasyon bago ang turn-over nito sa kinauukulang korte para sa tamang disposisyon.
Noong Lunes naman, Agosto 8, 2022, nagsilbi ang PNP Aparri ng warrant of arrest laban sa isang preso na nakalista bilang regional top 5 most wanted person.
Isinilbi ang Warrant of Arrest laban kay alyas Johny, 19 anyos, binata, high school undergraduate, magsasaka, person under police custody (PUPC) ng kinauukulang himpilan at residente ng Brgy. Bukig, Aparri, Cagayan para sa krimen ng Pagpatay o “Murder” kung saan walang inirekomendang piyansa.
Ang akusado ay nananatili sa kustodiya ng Aparri PS para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.