SUSPEK SA PAMAMARIL NG BRGY. KAPITAN, PATULOY NA TINUTUGIS

26
Patuloy na nagsasagawa ng dragnet operation ang mga awtoridad laban sa riding in tandem gunmen na suspek sa pamamaril na nagresulta sa pagkasawi ng isang barangay kapitan sa Anurturo, Rizal, Cagayan kahapon, Agosto 10, 2022.

Ipinag-utos rin ni PNP Cagayan Provincial Director, PCOL Renell Sabaldica na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente para matukoy kaagad ang mga taong nasa likod ng krimen.

Natatandaan na binabaybay ni Barangay Chairman Roberto Ocampo kasama ang kanyang asawa ang Provincial road, Gumarueng, Piat Cagayan lulan ng kanilang ISUZU truck papunta sa bayan ng Rizal nang bigla silang hinarang ng riding in tandem na sakay ng isang NMAX na motorsiklo at ito’y pinagbabaril na nag resulta sa pagkamatay nito.

Nagtamo ng maraming tama ng bala ang biktima habang nagkagalos naman ang kanyang maybahay matapos mawalan ng kontrol sa pagmamaneho si Ocampo at sumalpok sa poste ang kanilang sasakyan.

Ayon sa impormasyon mula sa PRO 2 Regional Public Information Office, naka flash alarm na rin ang mga istasyon ng pulisya sa mga karatig lugar ng Piat at nakikipag ugnayan na rin ang pulisya sa mga friendly forces malapit sa lugar para sa posibleng pagdakip sa mga salarin.

Facebook Comments